Manila, Philippines – Wala pa man inilalabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC), hindi na mahagilap ang kinaroroonan ni Senator Bato Dela Rosa mula pa noong november ng nakaraang taon.
Kasama na rin ang kanyang pangalan sa inilabas na co-perpetrators ng ICC kaugnay sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng bloody war campaign ng administrasyong duterte.
Ang senate minority block, naghain ng resolution para suportahan si Dela Rosa at Senator Bong Go na magkaroon ng due process at proteksyon ng mga Pilipino laban sa extraordinary rendition, upang matiyak na may sapat na panahon para sa mga legal na hakbang bago ang anumang pagsuko o ekstradisyon.
Pero kung si dating Philippine National Police Chief General Rommel Francisco Marbil ang tatanungin dapat lumabas si Bato kung saan man siya nagtatago para harapin ang mga posibleng kaso na isasampa laban sa kanya.
Si marbil ang siyang hepe ng PNP nang maaresto sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at religious lider ng KOJC na si Pastor Apollo Quiboloy.
Mali rin daw na umiiwas ang senador sa judicial process lalo’t nasa gobyerno ito. Maigi rin aniya na magbitiw nalang si siya sa pagka senador kung patuloy ang kanyang pagtatago para takasan ang mga reklamo.
Nakakawala rin aniya ng respeto ang ginagawa nitong pagtatago lalo’t maraming Pilipino ngayon ang umaasa sa magiging trabaho at papel na ginagampanan ng senado para sa publiko.
Dinepensahan rin nito ang naging trabaho ng PNP nuon na naghain lamang ng arrest warrant laban kay Duterte at hindi kinidnap palabas ng bansa.