‘WALANG PLASTIKAN, PALIT-BIGAS BILL’ ISINUSULONG SA KAMARA; PROBLEMA SA BASURA LAYONG MASOLUSYUNAN

Manila, Philippines – Sa inihaing House Bill 7781 o  ‘Walang Plastikan, Palit-Bigas’ na panukala ni Pampanga 1st District Representative Carmelo Lazatin Jr., layon nitong gawing nationwide ang programang basura kapalit ng bigas na ipinatutupad na sa ibang mga lokal na pamahalaan.

Nakasaad din sa panukala ang pagsasama nito sa 10-year Solid Waste Management Plan sa lahat ng mga probinsya, lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa paraan daw na ito mas mahihikayat ang bawat indibidwal na kolektahin ang mga basura lalo na ang mga plastic at ipagpalit ito sa bigas.

Binigyang diin sa panukala na nagiging banta hindi lang sa ecosystem kundi sa buhay rin ng mga Pilipino ang patuloy na suliranin sa basura na kundi bumabara sa mga daluyan ng tubig nagsasanhi naman ito ng malawakang pagbaha na pumapatay rin sa maraming mga kabuhayan.

Batay sa pag-aaral ng 2025 World Bank What a Waste Global Database, kada taon 11.2 billion na tonelada ng mga basura ang nakokolekta sa buong mundo.

Ang Pilipinas ay nakapag-ambag dito ng higit sa 14.6M tons ng municipal solid waste.

Sa parehong pag-aaral din lumabas na ang Pilipinas ay pang 27 sa 50 mg bansa na may pinakamaraming nalilikhang basura.

Kung maipapasa raw ang nasabing panukala sa buong bansa gaya sa ilang bahagi ng Angeles City; Magallanes, Cavite; San Jacinto, Masbate; Brgy. Dalupaon Pasacao Camarines Sur; Pagbilao Quezon, Tarlac, Bulacan, Batangas, Pasig, Bolinao sa Pangasinan at iba pang lugar.

Magkakaroon din ang buong bansa ng matagumpay na proyektong mapapakinabangan ng pangkalahatan gaya ng sa mga nabanggit na lugar.

Sa pangongolekta rin daw ng mga basurang plastic, maaari rin itong i-recycle upang maging kapakipakinabang gaya ng sa Angeles City na ginawang plastic bricks.

Mahalaga raw ang pagpapasa ng panukalang batas ng sa gayon ay makapagpatupad ang pamahalaan ng simpleng hakbang habang mas napapaunlad ang seguridad sa pagkain, napapalakas ang community participation at napapatatag ang local solid waste management planning.

Share this