10% FUEL REDUCTION KASUNOD NG SIGALOT SA MIDDLE EAST, TARGET IPATUPAD — DOE 

Manila, Philippines – Target ng pamahalaan na maipatupad ang 10% fuel reduction o pagbabawas sa paggamit ng produktong petrolyo sa bansa.

Kasunod ito ng hindi tiyak na suplay ng produktong petrolyo dulot ng umiiral na girian sa Middle East.

Naglabas na rin ng advisory ang Department of Energy (DOE) at ang Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagbibigay utos sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng fuel conservation measures.

Kabilang ang regular at preventive maintenance ng mga sasakyan ng gobyerno upang mapanatili ang episyenteng paggamit ng fuel, pagpapatupad ng standardized vehicle monitoring system, at paggamit ng electric at hybrid vehicles.

Ayon kay Secretary Sharon Garin, dapat magsilbing halimbawa ang “energy family” sa pagiging efficient, sa fuel man o sa kuryente.

Hinihikayat rin nito ang lahat na gawing bahagi ng araw-araw na gawain ang pagtitipid sa enerhiya.

Layunin nitong makamit ang target sa ilalim ng Government Energy Management Program at tiyaking nangunguna ang pampublikong sektor sa responsableng paggamit ng enerhiya.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this