Manila, Philippines – Muling nagpaalala ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na ang mga ambulansyang on duty na dadaan sa Edsa Busway ng walang maipapakitang dispatch order (DO) o trip ticket kahit pa may sakay na pasyente ay titiketan pa rin ng mga operatiba.
Kasunod ito ng isinagawang operasyon ng SAICT kahapon, kung saan ilang mga ambulansya pa rin ang naharang at natiketan.
Ayon sa SAICT, umabot sa 16 na mga sasakyan na dumaan sa Santolan Southbound Edsa Busway ang inisyuhan nila ng Temporary Operator’s Permit (TOP), lima sa mga hinarang ambulansya.
Isa dito may sakay na pasyenteng magpapa-opera sa mata ngunit tiniketan dahil walang dispatch order, isa ring ambulansya na walang sakay na pasyente ang nakatanggap din ng TOP.
Ang mga ambulansya naman na may naipresentang DO, pinadaan ng SAICT.
Nagpaalala naman ang mga operatiba na huwag ng tangkain pang dumaan sa exclusive EDSA Busway kung wala namang emergency upang hindi na makadagdag pa sa abala sa kalsada.
Ang mga magpapanggap din daw na may emergency at magkukunwaring pasyente ay hindi rin nila palalamapasin, gaya ng isang Patient Transport Vehicle (PTV) ng isang LGU na may sakay na pasyenteng hirap huminga at nahihilo, ngunit ng icheck, hindi naman daw ito naka oxygen tank at napansin ding hindi maayos na nakakabit ang stretcher.
Matatandaan na hindi lang ito ang unang beses na may mga ambulansyang naharang dahil sa pagdaan sa busway.
Noong nakaraang buwan nadiskubre pa nga ng mga operatiba ng SAICT ang isang emergency vehicle na ginagawang shuttle service, na sa halip mga basic life equipment at first aid supplies ang laman, mga upuang pampasahero ang tumambad sakanila na agad namang inaksyunan ng lokal na pamahalaan na nagmamay-ari sa ambulansya.
Samantala, bukod sa mga ambulansyang ilegal na dumaam sa lane, hindi rin pinalampas na tiketan ng SAICT ang isang government vehicle na napag-alamang sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sakay ang mga empleyado nito na nagmamadali raw umano dahil may hinahabol na flight.
Nilinaw naman ng SAICT nakalaan sa mga pampasaherong bus ang edsa busway, hindi ito pinadaraanan sa mga private vehicles ngunit papayagan para sa mga emergency vehicle basta’t may maipakitang dispatch order.