FRASCO, ITINALAGA NI PBBM BILANG PRESIDENTIAL ADVISE FOR SUSTAINABLE AND RESILIENT COMMUNITIES 

Manila, Philippines – Kinumpirma ng Malacañang na tinanggal na sa puwesto si Christina Garcia Frasco bilang kalihim ng Department of Tourism.

Ayon sa ulat, pinalitan si Frasco matapos ang halos apat na taong pamumuno sa ahensya mula nang italaga siya ni Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.

Kasunod ng kanyang pag-alis sa Tourism department, itinalaga si Frasco sa bagong tungkulin bilang Presidential Adviser para sa sustainable at resilient communities sa ilalim pa rin ng administrasyon ni Marcos.

Sa ngayon, pansamantalang hahawak sa pamumuno ng Department of Tourism si Undersecretary Verna Burnsuceso, habang hinihintay ang pormal na pagtatalaga ng bagong kalihim.

Matatandaang naging usapin si Frasco nang maging pangunahing mukha ng tourism campaign ng bansa, kabilang ang “Love the Philippines” branding na inilunsad noong kanyang termino bilang tourism chief.

Sa kabila nito, ilang kontrobersiya rin ang hinarap ng ahensya noong nakaraang mga taon kaugnay ng mga tourism promotion materials at isyu sa branding campaign ng departamento.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang Malacañang kung sino ang permanenteng papalit sa posisyon ni Frasco bilang kalihim ng turismo.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this