‘FARE HIKE’ SA JEEP AT BUS APRUBADO NA NG LTFRB

Manila, Philippines – Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pasahe sa mga jeep at bus matapos ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ayon sa LTFRB, inaasahang iaanunsiyo bukas, Martes, ang eksaktong halaga ng itataas sa pasahe para sa mga nabanggit na pangunahing pampublikong sasakyan.

Saklaw ng aprubadong fare hike ang lahat ng transport groups na naunang naghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe, kabilang ang mga operator at driver ng jeep at bus.

Gayunman, hindi pa kabilang sa iaanunsiyo bukas ang mga taxi at UV Express. Paliwanag ng LTFRB, kamakailan lamang naghain ng kanilang petisyon ang mga ito kaya kinakailangan pa itong sumailalim sa pagdinig at sa isasagawang nationwide consultation program bago mapagdesisyunan.

Dagdag pa ng ahensya, patuloy pa nilang pinag-aaralan ang kabuuang epekto ng fare hike sa mga pasahero at sa iba’t ibang sektor ng transportasyon upang matiyak na magiging balanse ang ipatutupad na hakbang para sa kapakanan ng publiko at ng mga transport workers.

Share this