DAR NAGKALOOB NG HAULING TRUCK SA MGA MAGSASAKA SA ZAMBOANGA DEL NORTE

Mas mapapadali na ang pagdadala ng ani ng mga magsasaka sa Zamboanga del Norte matapos silang mabigyan ng hauling truck ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon sa DAR, ipinagkaloob ang hauling truck sa tulong ng DPIA Marketing Cooperative sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities o SuRe ARC Program.

Sinabi ni PARPO II Daisy Dell Digamon na makatutulong ito upang mapabilis ang transportasyon ng ani at maiwasan ang pagkasira ng mga produkto.

“Sa tulong ng hauling truck na ito, mas mabilis na maihahatid ng ating mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa pamilihan. Makakatulong ito upang mas lumaki ang kanilang kita at mas mapalakas ang kanilang kooperatiba,” aniya.

Dagdag pa niya, inaasahang tataas ang kita ng mga Agrarian Reform Beneficiaries dahil mas maayos na maihahatid at maibebenta ang kanilang ani sa pamilihan.

Layunin ng programa na palakasin ang produksyon at suportahan ang mga organisasyon ng mga benepisyaryo ng agrarian reform.

Share this