Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na mabibigyan ng tulong ang lahat ng kwalipikadong tsuper na apektado ng transport crisis.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, magpapatuloy ang payout ng financial assistance, kabilang ang special payout para sa mga hindi pa nakakatanggap ng ayuda, lalo na ang mga tricycle driver.
Dagdag ng kalihim, maaari pang mag-request ang mga local government unit ng karagdagang payout schedules para sa mga hindi naisama sa initial list o may kulang na dokumento.
Giit ng DSWD, kahit ang mga tsuper na wala pa sa masterlist ay maaari pa ring makatanggap ng tulong basta’t ma-validate at makumpleto ang kanilang detalye.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa mga naniningil ng processing fee, at iginiit na libre ang pamamahagi ng ayuda.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang payout sa ilang lugar kabilang ang Caloocan, Marikina, Parañaque at Quezon City.
Samantala, inaasahang sisimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng tulong sa iba pang sektor ng transportasyon tulad ng TNVS, motorcycle taxis, jeepney at delivery drivers, sa pangunguna ng LTFRB.
Paunang tatanggap ang mga benepisyaryo ng limang libong piso, na maaari pang madagdagan depende sa magiging pagsusuri ng pamahalaan.—Krizza Lopez, Eurotv News