DALAWANG BUWAN NA TOLL DISCOUNT, SINIMULAN NA 

Manila, Philippines – Sinimulan na ngayong araw ang pagpapatupad ng toll discount para sa mga pampasaherong sasakyan (PUVs), pampublikong bus (PUBs), at mga freight vehicle, ayon sa mga concessionaire.

Aabot sa dalawang buwan ang nasabing diskwento na layong maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng transportasyon. Inaasahan ding makatutulong ito upang mapigilan ang dagdag-pasahe at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ipapatupad ang diskwento sa pamamagitan ng lingguhang rebate. Maaaring umabot sa ₱18 para sa Class 1, ₱47 para sa Class 2, at ₱72 para sa Class 3 ang matitipid sa bawat biyahe ng mga kwalipikadong sasakyan.

Patuloy namang hinihikayat ang mga operator at driver na samantalahin ang programang ito habang ito ay ipinatutupad.

Share this