PBBM, SINURI ANG MEGA COLD STORAGE AT VEGETABLE, FRUIT PROCESSING FACILITY SA CAMSUR 

Pili, Camarines Sur – Personal na sinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Bicol Mega Cold Storage at Vegetable and Fruit Processing Facility sa Pili, Camarines Sur bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na palakasin ang imprastraktura sa agrikultura at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka kahapon, March 23.

Ayon sa Pangulo, kinikilala ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga magsasaka na siyang nagsisiguro ng suplay ng pagkain sa bansa.

Aniya, layunin ng proyekto na matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka, lalo na sa wastong pag-iimbak ng kanilang mga ani upang maiwasan ang pagkasira ng mga produkto tulad ng gulay, prutas, karne, at iba pa.

“Mayroon tayong mga processing na ganito, ang may-ari, lokal, para kung ano man ang dagdag, ang tawag nila value added. Kung ano man ang dagdag sa presyo ng produkto ay hindi mapupunta sa malaking korporasyon, kundi mapupunta sa ating mga magsasaka,” ani Marcos.

Ang mega cold storage ay may anim na refrigerated warehouse rooms, isang preparation room, at blast freezer na may kapasidad na dalawang tonelada. Mayroon din itong solar power system upang matiyak ang ligtas na pag-iimbak ng mga produktong agrikultural.

Pinondohan ito ng humigit-kumulang P500 milyon.

Inaasahan din na makikinabang dito ang mahigit 200,000 magsasaka at mga kooperatiba sa Bicol Region, Visayas, at Mindanao.

Bukod dito, layunin din ng pamahalaan na mapalago ang kita ng mga lokal sa pamamagitan ng pasilidad, kung saan maaaring gawing chilled, frozen, dried, canned, at puree products ang mga ani.

Sa kasalukuyan, mayroong 24 operational cold storage facilities sa buong bansa mula Hunyo 2022 hanggang Oktubre 2025.–Jabezha Gochuico, Contributor

Share this