ROQUE, NILINAW NA WALANG PERSONAL NA MOTIBO SA KIDNAPPING CASE NI MADRIAGA

“This claim is entirely baseless.”

Naglabas ng pahayag si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kaugnay sa naging testimonya ni Ramil Madriaga sa House Justice Committee, ukol sa kidnapping case na umanong isinumite ni Roque laban sa kanya.

Sa kanyang Facebook post, ikinabahala muna ni Roque ang pagbibigay umano ng plataporma kay Madriaga upang maglahad ng maling impormasyon laban sa kanya at kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Roque, hindi totoo na may personal siyang motibo laban kay Madriaga sa isinampang niya kidnapping case.

Kahapon kasi binunyag at sinisi ni Madriaga na si Roque ang may pakana sa nasabing kaso na kinaharap niya.

Dahilan niya, retaliation o paghihiganti umano ito ni Roque, dahil nakatakda niyang isiwalat ang mga land-grabbing activities ng dating presidential spokesperson.

Depensa naman ni Roque, walang lumabas na personal na motibo sa mismong preliminary investigation ng kaso.

Ipinaliwanag niya na ang kaso kay Madriaga ay nakabatay sa mga sinumpaang salaysay ng mga biktima at sa lumabas na imbestigasyon ng awtoridad.

Tungkol naman sa alegasyon ng land grabbing, nilinaw ni Roque na wala siyang kinakaharap na kaso kaugnay nito.

Ngunit, kinilala rin niya na may kasalukuyang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation ukol sa alleged falsification of public documents.

Dagdag pa ni Roque, hindi niya kilala si Madriaga bago umugong ang nasabing kaso.

Share this