Manila, Philippines — Matapos i-anunsyo ng pamahalaan na hindi i-ba-ban ang laro, gumawa na ng hakbang mismo ang Roblox platform kasunod ng napagkasunduan para sa pagpapaigting ng kaligtasan ng mga batang gumagamit nito, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Inilunsad na kasi ng Roblox ang dalawang bagong account types.
Ang “Roblox Kids” at “Roblox Select”.
Sa ilalim ng bagong sistema, ang mga batang wala pang siyam ng taong gulang ay ilalagay sa “Roblox Kids.”
Dito may mga content na naka-restrict para sa kanila at naka-off ang chat bilang default.
Samantala, ang mga edad siyam hanggang labing lima ay mapupunta sa “Roblox Select.”
Kung saan may mas malawak na access sila sa mga laro ngunit may mahigpit na seguridad tulad ng filtered chat na limitado lamang sa inilaan na “trusted friends.”
Ang dalawang account types ay maaari ring kontrolin ng magulang at guardian para sa pagba-block at pag-ma-manage ng mga gagawin ng mga bata.
Nakatakda itong ipatupad sa mga susunod na buwan.
Samantala, binigyan din ng Roblox ang Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) at ang Philippine National Police (PNP) ng “green lane” upang mapabilis ang pagproseso ng mga reklamo sa mga maiuulat na paglabag sa loob ng lato.
Maaari na rin umanong i-report ng mga magulang at guardian ang mga isyu sa platform sa pamamagitan ng 24/7 hotline 1326.
Tinawag naman ni DICT Secretary Henry Aguda na positibong hakbang ang mga bagong safety features, ngunit iginiit niyang dapat itong magresulta sa konkretong proteksyon para sa mga kabataan at patuloy itong babantayan ng pamahalaan.