Manila, Philippines — Tatlong araw na nationwide transport strike na pinangungunahan ng mga tsuper ng grupong MANIBELA, umarangkada ngayong araw, April 15.
Maaga palang dumating na sa Philcoa, Commonwealth Ave., Quezon City ang ilang miyembro ng grupong Manibela at United Transport Alliance Nationwide (UTAN) upang pangunahan ang pagsisimula ng tatlong araw na tigil-pasada.
Muling nanawagan ang grupo sa pamahalaan na i-rollback sa P55 ang presyo ng langis, pagbasura sa oil deregulation law, at suspendihin ang excise tax at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Nakiisa rin sa kilos-protesta ang mga sector at kinatawan ng magsasaka, mangingisda, at mga manggagawa sa bansa upang kondenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Umaasa ang grupo na sa pamamagitan ng tatlong araw na tigil pasada mula ngayong araw hanggang April 17 ay marinig ng pamahalaan ang kanilang patuloy na panawagan at hinain.—Grachella Corazon, Eurotv News