NEPPO, 17 SUSPEK ARESTADO; SHABU NASAMSAM

Cabanatuan City – Labimpitong indibidwal ang naaresto ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa isinagawang serye ng anti-criminality operations noong Abril 17.

Sa walong naaresto sa anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bayan, nasamsam ang tinatayang 6.28 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱42,704, ayon sa Dangerous Drugs Board value.

Ayon kay NEPPO Provincial Director PCOL Ritchie R. Claravall, patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad sa lalawigan.

“NEPPO will continue to strengthen its anti-criminality campaign to effectively address lawlessness, preserve peace and order, and ensure a safer Nueva Ecija for all,” pahayag ni Claravall.

Samantala, apat na wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na manhunt operations para sa iba’t ibang kaso kabilang ang grave threats, physical injuries, at paglabag sa National Internal Revenue Code.

Tatlo pang suspek ang naaresto sa kasong qualified theft, kabilang ang dalawang nahuling nagnakaw ng 52 kilo ng copper wire na nagkakahalaga ng ₱31,536, at isa pang kumuha ng diesel fuel na tinatayang ₱5,560 ang halaga.

Dalawa rin ang nadakip kaugnay ng insidente ng pananaksak sa San Jose City, Nueva Ecija.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang police stations ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.–Carlos Concha, Contributor

Share this