Manila, Philippines — Sa gitna ng gumugulong na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Kongreso, inilunsad ng mga dating taga-suporta ng administrasyong Marcos ang Sara-Chavit 2028 Nationwide Movement Caravan.
Dito ay ipinahayag ng grupo ang kanilang buong suporta sa pagtakbo ni VP Sara bilang Pangulo sa 2028, katuwang si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson bilang Bise Presidente.
Ayon kay Ferdinand Delos Reyes, nakita nila kay VP Duterte ang katangiang may matibay na paninindigan at tunay na malasakit sa taumbayan—mga rason kung bakit nila pinili ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Samantala, napili naman nila si Singson bilang katambal ng Bise dahil sa financial capacity nito, kumpiyansa ang grupo na dahil sa yaman ng dating gobernador ay hindi nito nanaising magnakaw sa kaban ng bayan.
Target ng grupo na magsagawa ng nationwide caravan para sa mga supporter ni Sara, na magsisimula muna sa buong Luzon.
Iginiit din ng grupo na “pamumulitika” lamang ang impeachment trial laban kay Duterte sa Kongreso na layon lamang umanong harangin ang planong pagtakbo ng opisyal sa 2028.
Kinokondena nila ang naturang proseso sa Kamara at sinabing walang basehan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Babala nila, magiging sanhi lamang ito ng pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa gitna ng pahayag, binanggit din ng grupo ang isyu ng mga “male-maletang pera” na umano’y tinanggap ng ilang mambabatas na sangkot sa korapsyon sa mga flood control projects.
Sa kabila ng pag-endorso ng grupo, inamin nilang hindi pa alam ng dalawang opisyal ang isinusulong nilang tambalan para sa 2028 National Elections.
Gayunpaman, tiniyak nilang makikipag-ugnayan sila kina Duterte at Singson upang pormal na ikonsidera ang naturang alyansa.
Noong Pebrero 28, opisyal nang idineklara ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo para sa 2028, ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang pinapangalanang makakatambal.—Krizza Lopez, Eurotv News