SOLUSYON SA MAHAL NA KURYENTE: PAGGAMIT NG NUCLEAR ENERGY, ISINUSULONG NG MAMBABATAS, PRIVATE SECTOR

Manila, Philippines — Magpahanggang ngayon, nasa ilalim pa rin ng State of Energy Emergency ang bansa, dulot gulo sa Gitnang Silangan. 

Nitong buwan ng Abril, dumaing ang ilang pamilyang Pilipino na nakaranas ng pagtaas ng bayad sa kuryente. 

At sa gitna ng dinadanas na krisis ng bansa, muling ipinanawagan ng mambabatas mula sa Kamara at pribadong sektor ang pagtransition ng Pilipinas sa paggamit ng Nuclear Power Plant bilang pangunahing pinagkukunan ng kuryente. 

Ayon kay Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco, ang paggamit ng  nuclear power ang kailangan ng Pilipinas sa mga sitwasyon katulad ngayon na humaharap sa krisis ng enerhiya. 

Halos magdadalawang dekada na aniyang pinag-aaralan ni Cong. Cojuangco ang paggamit ng nuclear power at ang mga benipisyong maaaring matamasa ng mga Pilipino sa paggamit nito. 

Partikular na nanawagan si Cojuangco kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maipatupad ang mandato ng Republic Act no. 12305 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act na maisulat na sa loob ng 180 days ang implementing rules and regulation. 

Ngunit mula nang pirmahan ni Pangulong Marcos noong September 18, 2025 ang batas ay hindi pa naitatalaga ng apat na secretary deputy general para balangkasin ang implementing rules and regulation. 

Bukod pa rito, may isa pang nakabinbin sa kongreso na House Bill 375 o ang Nuclear Liability  bill, na kasalukuyang nasa House Committee on Appropriation na. 

Ayon sa mambabatas, malaki ang matitipid ng bawat pamilyang Pilipino. 

Posible kasing pumalo lamang ng 7 pesos hanggang 15 pesos ang   kuryente na babayaran ng bawat pamilyang Pilipino. 

Ayon kay Cong. Cojuangco at Dr. Cecilio Pedro, lalago ang ekonomiya ng Pilipinas dahil mas maraming papasok na investment sa bansa. 

Giit ng mambabatas, ito ang pumipigil sa mga investor na mamuhunan sa Pilipinas dahil sa mahal na singil sa kuryente. 

Binigyang diin ni Dr. Pedro na napag-iwanan na ang Pilipinas ng iba pang bansa sa ASEAN na gumagamit na rin ng nuclear power bilang source ng enerhiya. 

Kailangan ng mga Pilipino ng trabaho at sa isa mga paraan ay makapanghikayat ng mga investors na mamuhunan sa Pilipinas, ngunit problema sa enerhiya ang nagiging balakid sa pagpasok ng mga ito.

Pahayag ni Cojuangco, maiiwasan din ng gobyerno ang pag-import ng mga fossil fuel — na pangunahing gamit sa kasalukuyan para sa paglikha ng enerhiya. 

Kung susumahin daw, 400 million dollars ang bili ng pilipinas sa kada 1000 mega watts, ngunit 20 million dollars lamang ang halaga para sa nuclear. 

Nanindigan pa ang mambabatas na bukod sa mababang presyo ng kuryente, hindi rin malaki ang epekto nito sa kalikasan. 

Aniya, nakalahad sa pag-aaral ng World Health Organization ang mga kaligtasan sa kalusugan sa paggamit ng enerhiyang ito. 

Dagdag niya, may mga paraan para hindi magkaroon ng masamang dulot sa kalusugan ang paggamit nito, 

Sa huli, sinabi ni Cojuangco na naniniwala siyang may mga kautusan sa EPIRA LAW na kailangan ng ibasura.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this