MGA HINDI MAKAKASUNOD SA ITINAKDANG PRICE CAP SA BIGAS, MULTA AT KULONG ANG NAG-AANTAY — DA

Manila, Philippines — Isa hanggang sampung taong pagkakakulong, multang hindi bababa sa P5,000 hanggang P1 milyong piso at posibleng maipasara pa ang negosyo. 

Ito ang nag-aantay sa lahat ng mga rice retailer, trader, at importer na hindi makakasunod sa itinakdang P50 na price cap sa 5% broken rice.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), alinsunod ang muling babala na ito ng ahensya sa Executive Order (EO) na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan epektibo ang pagpapatupad ng P50 na presyo sa kada kilo ng imported na bigas sa loob ng 30 araw.

Maaari rin daw na ang multa at kulong ay parehong ipapataw na parusa sa lalabag depende sa magiging pasya ng korte.

Bukod sa kasong kriminal, pwede ring magpataw ang DA ng administratibong parusa sa bisa ng implementing rules ng Price Act.

Kabilang dito ang pansamantala o permanenteng pagsasara ng isang establisyemento, pagkumpiska ng mga produktong hindi nakasunod sa price cap, suspensyon o pagbawi sa permit at lisensya ng tindahan at paghahain ng cease-and-desist order.

Samantala, sa kasalukuyan mas pinaiigting ng monitoring team at inspector ng DA kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang kinauukulang ahensya ang pag-iikot sa lahat ng mga pampublikong pamilihan, supermarket at rice retail outlet sa buong bansa habang umiiral ang polisiya.

Matatandaang ipinatupad ng kagawaran ng agrikultura noong May 13 pa ang pagtatakda ng price cap para mapigilan ang hindi makatarungang taas presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng pagbaba naman ng halaga nito sa pandaigdigang presyo at mas mababang taripa.

Share this