Manila, Philippines — Maaari nang ipagpatuloy ng mga Local Government Units (LGUs) ang implementasyon ng Service Contracting Program (SCP) para sa mga transport cooperatives, association, corporation, at ibang transport sector.
Ito ay matapos lagdaan ni Department of Transportation (DOTR) Acting Secretary Giovanni Lopez, ang Department Order No. 2026-011 na naglalaman ng supplemental guidelines upang maipagpatuloy ang programa ng mga interesadong local government units sa kanilang mga lungsod.
Ayon sa DOTr, layunin ng bagong kautusan ang palawakin at palakasin ang implementasyon ng SCP upang mas mapabuti ang pampublikong transportasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Saklaw ng Department Order ang parehong land-based at sea-based public transport services sa ilalim ng pangangasiwa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Maritime Industry Authority, katuwang ang mga piling LGUs.
Sa ilalim ng Service Contracting Program, inaasahang magkakaroon ng mas maayos, ligtas, at episyenteng operasyon ang mga pampublikong transportasyon habang nagbibigay ng suporta sa mga transport operators at drivers.
Kung sakali na ito ay maiplementa na sa mga LGUs papangalanan ang programa bilang “Supplemental Service Contracting Program Guidelines for Local Government Units.”
Inaasahan ding magsisilbing gabay ang bagong polisiya sa mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa para sa sektor ng transportasyon.
Samantala, matatandaan na unang naiplementa ang SCP noong April 14, 2026, sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), binabayaran ng gobyerno ang mga drayber at operator batay sa bawat kilometrong tinakbo ng kanilang mga biyahe.
Layunin nitong tulungan ang mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus, at UV Express na patuloy na bumiyahe sa gitna ng mataas na presyo ng langis.—Grachella Corazon, Eurotv News