BILANG NG KASO NG EBOLA VIRUS SA DR CONGO, TUMAAS

Nitong May 16, idineklara ng World Health Organization o WHO ang public health emergency of international concern sa Democratic Republic of Congo matapos maiulat ang pagkalat ng Ebola Virus.

Ayon sa WHO noong araw na iyon, nasa humigit-kumulang 246 na ang suspected cases habang 80 ang naitalang nasawi sa isang probinsya sa Congo.

At dalawang araw pa lamang ang nakalilipas bahagyang umakyat pa ang bilang ng mga kaso nito.

Base sa pinakabagong monitoring ng international health organization, as of 18 May 2026, nakapagtala ang DR Congo ng 516 suspected cases.

Samantala, 131 naman ang naitala na suspected deaths.

 Ang datos na ito ay mula sa seven health zones sa Ituri at North Kivu Provinces doon.

Dagdag pa rito, 33 naman ang bilang ng confirmed cases at apat naman ang kumpirmadong namatay dahil sa virus.

Sa Uganda naman, na isinailalim din sa public health emergency of international concern ay nanatili sa dalawang laboratory-confirmed cases. Isa rito ang kumpirmadong namatay.

Matatandaan na ang kasalukuyang outbreak ay iniuugnay sa tinatawag na Bundibugyo virus strain, isang rare o hindi pangkaraniwang uri ng Ebola virus.

Ang paunang sintomas ng virus ay ang lagnat, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo, at sore throat.

Wala pang aprubadong bakuna o therapeutics hanggang sa ngayon para rito.

Nilinaw naman ng World Health Organization na hindi pa maituturing na pandemic emergency ang outbreak tulad ng nangyari sa COVID-19.

Share this