ACTING SP GATCHALIAN: SENADO, NASA ILALIM NG HIGHTENED ALERT SA GITNA NG SECURITY THREAT; EMPLEYADO, PINAG-WFH

Manila, Philippines — Kasunod ng impormasyong natanggap mula sa National Bureau of Investigation kaugnay sa seguridad ng Senado, muling nagpatupad si Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ng work-from-home setup para sa mga empleyado ng institusyon at sa mga senador. 

Nilinaw rin niya na hindi naka-lockdown ang Senado sa kasalukuyan, ngunit nakahightened alert ang sitwasyon sa paligid ng institusyon. 

Pahayag ni Gatchalian na seryoso nilang tinatrato ang lahat ng banta sa seguridad ng Senado.

Batay sa intelligence information na kanilang natanggap, may ilang grupong umano’y nag-oorganisa ng kilos-protesta sa June 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Ayon kay Gatchalian, may ilang personalidad na nabanggit ng NBI na posibleng nasa likod ng naturang kilos-protesta.

Gayunman, patuloy pa rin aniyang bineberipika ng mga awtoridad ang impormasyong ito.

Inatasan na rin ni Gatchalian ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa NBI at iba pang intelligence agencies upang masuri at mapatunayan ang mga impormasyong kanilang natatanggap.

Ayon pa sa NBI, posible umanong may koneksyon ang mga posibleng manggugulo sa 18 bagmen ni dating Congressman Zaldy Co.

Noong Lunes, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ni Senator Erwin Tulfo, sinabi umano ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na may posibilidad na may mga grupong sumugod sa loob ng Senado at posibleng armado ang mga ito.

Ito umano ang dahilan kung bakit humingi sila ng dagdag na seguridad mula sa Philippine National Police noong Lunes, dahilan upang maituloy pa rin ang pagdinig.

Sa ngayon, prayoridad ng pamunuan ng Senado na matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado, senador, at maging ng mga miyembro ng media na naka-assign sa institusyon.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this