Manila, Philippines – Pinaaksyunan ni Vice President Sara Duterte sa lalong madaling panahon ang mga karahasang nangyayari sa loob ng paaralan at sa gitna ng mga school activity.
Ito’y matapos ang mga nangyayaring pamamaril sa San Jose National Highschool sa Tacloban City, pananaksak ng isang estudyante sa isang paaralan sa General Trias Cavite at maging ang pagkamatay ng dalawang ateneo basketball athlete.
Sa pahayag ni Duterte, ang mga insidenteng ito ang nagbunyag sa kakulangan ng gobyerno na kilalanin ang intelligence gathering para matukoy ang mga banta bago pa may mawalang buhay.
Giit niya, hindi maaaringa kikilos lamang ang gobyerno sa tuwing may isang bata ang nasaktan o namatay.
Nakasaad din sa kanyang statement na walang magulang ang dinadala ang kanilang mga anak para maging biktima ng karahasan.
Ayon sa opisyal, mahalagang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa mga radikal na impluwensya na maaaring magmula sa labas ng paaralan, sa internet, o sa mga taong nagsasamantala sa kahinaan ng kabataan.
Binigyang-diin din nito na dapat matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante laban sa pang-aabuso, kapabayaan, at karahasan sa loob mismo ng mga institusyong may pananagutang pangalagaan sila.
Magsilbi dapat aniyang wake-up call ang pagkawala ng mga estudyante sa administrasyon na gawing ligtas ang mga paaralan.
Nagsilbi si Vice President Duterte bilang dating kalihim ng Department of Education.