KLASE SA 57 PAARALAN SA TACLOBAN, BALIK OPERASYON NA; DEPED PAGTITIBAYIN ANG LEARNER PROTECTION 

Manila, Philippines — Ilang araw matapos makansela ang pasok ng mga estudyante   sa paaralan sa Tacloban City kasunod ng nangyaring shooting incident.

Balik na sa normal na operasyon ang 57 pampublikong paaralan sa lungsod.

Inilipat naman pansamantala sa Education in Emergencies modalities ang San Jose Central School at Manlurip Elementary School habang nananatiling kanselado pa rin ang pasok sa San Jose National High School hanggang June 26.

Ayon sa Department of Education (DepEd) ang nabanggit na tatlong paaralan ang pinaka-naapektuhan ng insidente ng pamamaril ng dalawang estudyante.

Kung saan ang mga guro, estudyante, magulang at iba pang kawani ng paaralan ay dumadaan na sa psychosocial support services mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at civic organization.

Binigyang diin ni Education Secretary Sonny Agnara na nakakaalarma ang uri ng karahasan na nangyayari ngayon sa mga paaralan, kaya’t dapat aniyang mas patatagin pa ang learners protection sa mga ito sa loob man o labas ng eskwelahan.

Kabilang ngayon sa tinitingnang hakbang ng Kagawaran ang pagpapalakas sa school-based mental health at psychosocial support, programa laban sa bullying, pag rereview ng Child Protection Policy at iba pang panuntunan.

Tinitinganan na rin ng DepEd ang kahalagahan ng polisya na ipinatutupad ng mga paaralan na akma dapat sa mga protocol ng Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga lokal na pamahalaan.

Sa ngayon patuloy ring pinalalakas ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kaagapay Program para sa pakikipagtulungan ng mga mgaulang, Learner Tele-Consultation at Contact Hub, peer support programs, guidance at counseling at pagpapalawak ng Learner Support Centers sa buong bansa.

Samantala, habang gumugulong pa ang imbestigasyon sa nangyaring shooting incident sa San Jose National Highschool sa Tacloban, ipagpapatuloy ng ahensya ang early intervention at pakikipag-ugnayan sa mga pamilya, komunidad at mga ahensya ng pamahalaan para maiwasan ang kaparehong karahasan sa loob at labas ng mga paaralan.

Share this