Dagupan City, Philippines — Isang ordinansa sa Dagupan City ang ipinatutupad ngayon ng lungsod na nagbabawal sa paglalagay ng mga pisonet.
Ayon sa lokal na pamahalaan, lubos na nakakaapekto sa mga kabataan ang paggamit ng internet batay na rin sa mga naging reklamo ng mga magulang.
Limang ang araw ang ibinibigay na palugit ng Dagupan City LGU sa lahat ng mga nagmamay-ari ng pisonet sa siyudad para itigil ang operasyon ng mga ito.
Kasunod ito ng ipinasang Ordinansa ng Sangguniang Panlunsod na ipinagbabawal na ang paglalagay ng anumang uri ng coin operated computer rental establishment.
Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, lubhang nakakaapekto sa mga kabataan ang sobra sobrang paggamit ng pisonet batay na rin daw sa mga reklamo ng mga magulang.
Ayon pa sa ilang mga school heads sa paaralan, sa halip na pumasok ang mga estudyante nakikita nila ang mga ito sa pisonet.
Ang paggamit din daw ng mga kabataan sa internet gaya na lang ng paglalaro ng mga online games ay isa sa nagiging dahilan ng bullying at karahasan ngayon sa eskwelahan.
Idinagdag din ng alkalde na walang permit ang mga nasabing pisonet sa lungsod.
Samantala ang Philippine National Police (PNP) naman ang mangangasiwa sa pagbababa ng notice of closure sa mga Pisonet shop na makikita pang nag-ooperate.
Sa kabila ng ibinababang ordinansa, nakatanggap naman ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga taga dagupan ang bagong polisiya ng LGU.
Tiniyak naman ng alkalde na gagawa ang LGU ng mga hakbang para magkaroon ng libreng magagamit na computer ang mga mag-aaral sa paaralan para sakanilang mga research at aktibidad ng may kinalaman sa eskwelahan.—Esky Zafra, Eurotv News