MUÑOZ LGU, PNP HIGPIT-SEGURIDAD MATAPOS ANG UMANO’Y ONLINE THREAT SA MNHS

Pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Science City of Muñoz at ng Philippine National Police o PNP ang seguridad sa mga paaralan matapos kumalat ang isang online post na naglalaman ng umano’y pagbabanta laban sa Muñoz National High School o MNHS kahapon.

Bilang agarang hakbang, pansamantalang sinuspinde ang face-to-face classes sa apektadong paaralan at ipinatupad ang modular distance learning upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Nagpatawag din ng emergency meeting ang Office of the City Mayor kasama ang mga kinatawan ng PNP, Department of Education, Liga ng mga Barangay, Parents-Teachers Association, at iba pang ahensya upang palakasin ang koordinasyon at matukoy ang nasa likod ng banta.

Kasabay nito, bumuo ang mga awtoridad ng mas mahigpit na security measures kabilang ang dagdag na police visibility, foot at mobile patrols, intelligence monitoring, at pakikipag-ugnayan sa Cybercrime units.

Mariin ding kinondena ng lokal na pamahalaan ang naturang pagbabanta at tiniyak na mananagot sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang responsable.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon habang hinihikayat ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.- Aliyah Esquillo, Contributor

Share this