Nagpakalat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Region 10 ng mga Mystery Riders bilang bahagi ng pinaigting nitong kampanya laban sa mga colorum o iligal na pampasaherong sasakyan sa Northern Mindanao.
Lihim na sasakay ang mga Mystery Riders sa iba’t ibang Public Utility Vehicles at maging sa mga pribadong sasakyang hinihinalang ginagamit sa pampasaherong operasyon upang matukoy ang mga bumibiyahe nang walang kaukulang prangkisa.
Ayon sa LTFRB, ipinatutupad ang operasyon na naglalayong higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa mga colorum.
Magkakaloob din ang ahensya ng pabuya sa mga Mystery Riders na makapagbibigay ng sapat na ebidensya na magreresulta sa matagumpay na paghuli at pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag.
Hinihikayat naman ng ahensya ang publiko na sumakay lamang sa mga lehitimong pampasaherong sasakyan at agad na iulat ang mga hinihinalang colorum operations upang mapanatili ang ligtas at maayos na pampublikong transportasyon sa rehiyon. – Aliyah Esquillo, Contributor