Manila, Philippines — Sa gitna ng patuloy na pag-iral ng hanging habagat sa malaking bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas, mahigit 1.5 milyong pamilya na ang naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Binigyang-diin ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ang kahalagahan ng pananagutan at transparency ngayong panahon ng muling pagbuo ng pondo para sa susunod na taon.
Isa sa mga inihain niyang panukalang batas sa Kongreso ang Freedom of Information Bill o House Bill No. 1187, na nakalusot na sa Kamara at kasalukuyan nang nasa Senado.
Hiling niya sa Senado na sana ay maisabatas na ang naturang panukala upang higit pang maisulong ang pagiging bukas ng gobyerno sa impormasyon.
Paalala niya, ngayong panahon ng paglalaan ng pondo, mahalagang makapaglaan ang gobyerno ng tamang halaga para sa disaster response.
Bagama’t maayos ang sistema ng disaster response ng pamahalaan, iginiit niyang maaari pang pabilisin ang pagtugon sa mga direktang naaapektuhan ng kalamidad.
Isa rin si Poe sa mga mambabatas na naghain ng House Bill No. 09305 o KALINGA Act, na naglalayong magtatag ng framework para sa national response ng pamahalaan sa panahon ng anumang krisis o sakuna.
Pinarangalan si Poe sa katatapos lamang na Gawad Pilipino Balangay Awards 2026 bilang isa sa mga outstanding legislators sa House of Representatives.
Pahayag ni Poe, nakapaloob sa pagkilalang natanggap niya ang mga panukalang batas na inihain niya sa Kongreso, gayundin ang kanyang pagtugon sa mga sakuna.
Bukod pa rito, binigyang-diin din ni Poe ang pakikipagtulungan niya sa mga kapwa mambabatas upang makabuo ng mga polisiya na makatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
Ito ay sa gitna ng mga umiiral na isyu sa politika.—Krizza Lopez, Contributor