DBM, NAGLAAN NG PONDO PARA SA SECURITY SERVICES NG MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN SA FY 2027 — MALACAÑANG

Manila, Philippines — Muling nabuhay ang usapin sa seguridad sa mga paaralan kasunod ng insidente ng pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University, kabilang ang pagpapanagot sa mga kabataang sangkot sa krimen at ang papel ng mga guro sa pagpapanatili ng seguridad sa mga paaralan.

Ito ay matapos maitala ang ilang insidente ng pamamaril at pananaksak sa mga paaralan, na kinasangkutan mismo ng mga estudyante at ikinasawi ng ilang mag-aaral at school personnel.

Bunsod nito, naglaan ang Department of Budget and Management ng pondo para sa security services ng mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Fiscal Year 2027 National Expenditure Program.

Ayon kay Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro, kasama sa pambansang pondo ng Department of Education para sa 2027 ang alokasyon para sa security requirements ng mga pampublikong paaralan.

Mula Hunyo hanggang Agosto 2026, umabot sa pitong insidente ng pamamaril at pananaksak ang naiulat sa mga kapulisan at lokal na awtoridad.

Samantala, isinumite na ng DBM sa Kongreso ang panukalang P7.2-trilyong budget para sa Fiscal Year 2027.

Kabilang sa mga prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon, kalusugan, social protection, food security, imprastraktura, trabaho, at disaster response.

Pinakamalaki ang alokasyon para sa Department of Education na aabot sa P976 bilyon para sa 2027.

Nilinaw naman ni Budget Undersecretary Goddes Hope Libiran na target ng DepEd na makapagpatayo ng 6,587 silid-aralan sa ilalim ng FY 2027 National Expenditure Program.

Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways na may P644 bilyong alokasyon para sa konstruksyon ng mga kalsada, tulay, at iba pang mahahalagang imprastraktura.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this