WEBSITE NG LAW FIRM, TINANGKANG PASUKIN NG HACKTIVIST

Manila, Philippines — Tinangkang pasukin ng mga hacktivist ang website ng isang law firm kung saan isa sa mga abogado nito ay may kaugnayan sa impeachment proceeding ni Sara Duterte.

Ang nasabing firm ay ang Co Nazario Velasco-Catera and Divinagracia Law Offices o CNVD Law.

Ayon sa law firm, nakatanggap sila ng report na na-deface ang kanilang website.

Gayunman, sinabi ng law firm na hindi naging matagumpay ang pagtatangkang makuha ang kanilang mga pangunahing system.

Ipinaliwanag ng firm na hindi naman binago, pinalitan o tinanggal ang kanilang mga lehitimong website pages. 

Wala ring nakompromisong client information, case records, personal o financial data na nakaimbak o nakuha sa kanilang website.

Batay sa screenshot na inilabas ng cybersecurity advocacy group na Deep Web Konek, ang naturang page ay naglalaman ng mensahe mula sa grupong nagpapakilalang “GrimSec Philippines – G.S.P.”

May nakalagay ding political message na tumutukoy sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte at panawagan para sa accountability.

Ang CNVD Law ay may kaugnayan kay Atty. Mae S. Divinagracia, managing partner ng law firm at isa sa mga private prosecutor ng House prosecution panel sa impeachment trial.

Bilang pag-iingat, inilipat ng law firm ang website nito sa mas secure na server.

Share this