ILANG BAHAGI NG PAMPANG PUBLIC MARKET, PANSAMANTALA MUNANG ISINARA DULOT NG PINSALA NG SUNOG

Angeles City, Philippines — Pansamantala munang isinara ang ilang bahagi ng Pampang Public Market sa Angeles City matapos itong masunog kahapon, September 16 na inabot ng ika-apat na alarma.

Batay sa Lokal na Pamahalaan ng Angeles, inaayos at nililinis na ang bahaging napinsala ng sunog habang nagsasagawa ng structural, electrical at fire-safety assessments maging ang sanitation at disinfection sa lugar.

Sa kabila naman ng naiulat na alarma, una na ring binigyang linaw ni Fire Chief Inspector Sheila Marie Carlos na agad nakontrol ang apoy.

Bukod sa mga tindahang nadamay, wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II tintinginan na nila ang posibilidad na pagtatayo ng temporary vending arrangement para maipagpatuloy ng mga apektadong vendors ang kanilang kabuhayan.

Nagpaalala rin ang alkalde na huwag maging mapagsamantala, kasunod ng mga ulat tungkol umano’y tangkang pagnanakaw sa ilang mga pwesto na naapektuhan.

Dahil dito, nagpadala ang alkalde ng karagdagang mga pulis para mapanatiling ligtas ang mga naiwang gamit ng mga market vendors sa kanilang mga pwesto.

Magpapaabot naman daw ang lokal na pamahalaan ng agarang tulong sa mga apektado ng sunog.

Kasabay nito, patuloy pa rin ang pakikipag ugnayan ng City Government sa BFP habang iniimbestigahan pa rin ang naging sanhi ng sunog.

Samantala muli naman daw bubuksan ang Pampang Market batay sa magiging rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Share this