Manila, Philippines — Inisyuhan ng Senate Impeachment Court nitong Miyerkules ng Show Cause Orders ang dalawang miyembro ng House Prosecution Panel kaugnay sa posibleng paglabag sa sub judice rule.
Nauna nang inanunsyo ni Senator-Judge at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang pag-isyu ng show cause orders bago i-adjourn ang paglilitis nitong Miyerkules.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, dalawang miyembro ng House Prosecution Panel ang pinadalhan ng show cause orders kaugnay sa magkakaibang insidente ng posibleng paglabag sa sub judice rule.
Isa sa mga umano’y paglabag ay may kaugnayan sa isang panayam noong September 8, habang ang isa naman ay may dalawang insidente na naganap sa mga panayam noong September 14 at 15.
Batay sa ruling na inilabas ng Presiding Officer noong August 26, may 24 oras ang mga pinadalhan ng show cause order upang magsumite ng kanilang written explanation at ipaliwanag kung bakit hindi dapat ituring na paglabag sa sub judice rule ang kanilang mga pahayag.
Samantala, kinumpirma naman ni 1st District Representative at House Prosecution Team spokesperson Zia Alonto Adiong na sinusuri pa ng prosecution ang nilalaman ng show cause order mula sa impeachment court.
Isiniwalat din niyang si Bicol Saro Representative Atty. Terry Ridon ang isa sa mga pinadalhan ng show cause order bilang miyembro ng prosecution panel.
Reaksyon naman ni Adiong sa mga naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang sinabi nitong hindi na niya pinagkakatiwalaan ang mga korte sa Pilipinas at hawak umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Senado.
Nanindigan si Adiong na saklaw din ng sub judice rule ang mismong respondent sa impeachment trial.
Giit niya, dapat ding payuhan ng defense team si Vice President Duterte na iwasan ang pagbibigay ng mga pahayag na maaaring makainsulto o makapagpababa sa integridad ng korte.
Dahil dito, nanindigan si Adiong na kung nais ng impeachment court na protektahan ang integridad nito, dapat umanong ipatupad ang sub judice rule nang pantay at sa lahat ng pagkakataon.