Manila, Philippines — Inirekomenda na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsususpinde sa lisensya ng dalawang drayber na nasangkot sa insidenteng nakapag-antala sa pagresponde ng Bureau of Fire Protection sa isang sunog sa Makati City.
Ito ay matapos ang isinagawang pagdinig ng LTO kaugnay ng viral na video na nagpapakitang nakaharang ang mga sasakyan sa daraanan ng mga rumerespondeng fire truck.
Sa unang insidente sa Macabulos Street, Barangay Bangkal, inamin ng drayber na nakaparada ang kanyang sasakyan at nakaharang sa daanan.
Ipinaliwanag niyang inaayos noon ang sasakyan, nakapatong ito sa jack at natanggal ang isang gulong kaya hindi agad niya ito nailipat.
Dahil dito, napatunayang lumabag siya sa Obstruction of Traffic at Parking Prohibited in Specified Places.
Idineklara rin siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, dahilan para masuspinde ng tatlong buwan ang kanyang lisensya.
Samantala, sa insidente naman sa Guadalupe Nuevo, sinabi ng drayber na wala siyang intensiyong harangan ang fire truck at hindi lamang umano siya agad nakahanap ng lugar na maaaring pagparadahan.
Gayunpaman, nakita sa video na may espasyo sa kanang bahagi ng kalsada kung saan maaari sanang pansamantalang tumabi ang drayber.
Dahil dito, napatunayang lumabag siya sa Failure to Yield Right of Way for Police and Other Emergency Vehicles at Obstruction of Traffic.
Idineklara rin siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle at ipinataw ang isang taong suspensyon sa kanyang lisensya.
Isinuko na sa LTO ang mga lisensya ng dalawang drayber habang nananatiling naka-alarm ang mga sasakyang sangkot.