Manila, Philippines — Ibinahagi ni Senator Risa Hontiveros ang plano ng liderato ng senado na hilingin sa administrasyong Marcos na sertipikahan bilang urgent ang pagsasabatas ng Anti-Dynasty Bill.
Ayon kay Hontiveros bago matapos ang pagdinig noong Miyerkules, napag-usapan na ng liderato na ang lahat ng mga panukalang batas na kabilang na bilang LEDAC ay hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan na bilang urgent.
Nang sa gayon daw ay masubukan na ng kasalukuyang kongreso na ipasa na ito bilang batas.
Ayon sa mga pag-aaral, itinutulak ang panukalang ito dahil sa direktang ugnayan ng matagalang pamumuno ng mga political dynasty at ng kawalan ng pag-unlad sa mga lokalidad, kung saan malaking oportunidad para sa pagbabago ang nasasayang.
Naglabas ng pahayag si Hontiveros matapos iginiit BSP Former Deputy Governor Diwa Guinigundo ang pangangailangan sa totoong anti-political dynasty bill.
Nanawagan si dating BSP Deputy Governor Guinigundo sa Senado at Kamara na magpasa ng totoong Anti-Political Dynasty Law.
Giit niya, ang paghahari ng mga angkan sa pulitika ang pangunahing nagpapahirap sa mga institusyon at pamamahala sa bansa.
Bagamat matagal nang nakasulat sa Saligang Batas ang Anti-Political Dynasty provision, nananatili itong walang enabling law mula sa Kongreso.
Dahil dito, isinusulong ngayon sa Senado ang Senate Bill 1901 para pormal nang ipagbawal at parusahan ang paghahari ng mga pampolitikang angkan sa lokal, pambansa, at party-list positions.