NAKIDNAP NA CHINESE FOREIGN STUDENT, NASAGIP NA

Manila, Philippines — Ligtas at kapiling na ngayon ng kanyang ama ang 14 na taong gulang na Chinese foreign student na iniulat na nakidnap at nawala sa loob ng limang araw.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, ika-26 ng Pebrero, idinetalye ng Department of Interior and Local Government at opisyales ng Philippine National Police ang naging operasyon ng mga awtoridad upang matunton at masagip ang naturang biktima mula sa mga dumukot dito.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, missing person assumed as a kidnapping case ang naging deklarasyon sa kaso, matapos na ireport ng mga magulang ng bata na hindi ito nakauwi mula sa eskwelahan hapon ng ika-20 ng Enero.

Kinabukasan, natagpuan sa ibang sasakyan ang driver ng bata na patay na, kasama ang ilang mga impormasyon na ginamit ng mga awtoridad bilang ebidensya sa pagtunton sa biktima at sa grupong nasa likod ng kaso.

The driver of the child was found murdered inside another vehicle. In that vehicle yielded information regarding the syndicate which operates in this manner,” saad ni Remulla.

The contents include pictures, conversations, cellphone numbers, strategies, casings of how they will do the job,” aniya pa.

Kalaunan, nakipagnegosasyon na ang umano’y sindikatong dumukot sa biktima at nanghingi sa pamilya nito ng US$20 million bilang ransom, na ayon kay Remulla, tinanggihan ng pamilya ng bata.

Batay sa timeline ng mga naging pangyayari, Sabado nang nagpadala ang grupo ng video sa pamilya ng biktima kung saan pinuputulan ito ng daliri, habang noong Linggo ay nanghingi ang pamilya ng patunay na buhay pa ang bata.

Nitong Lunes, natukoy ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang mga numero, at nitong Martes, na-track ang signal ng isang sasakyan na kabilang sa listahang nakuha mula sa sasakyan kung saan natagpuan ang driver ng biktima.

“At approximately 8pm, they were a few hundred meters away from the cellphone na gumagalaw. And in that pursuit, a few minutes after, in the Parañaque area, may nakita silang isang bata na naka-pajama na nakatayo sa gitna ng kalye na may benda ang kamay,” pagdedetalye ni Remulla.

Dagdag pa nya: “The choice was pursuing the vehicle or securing the child. Obviously, ang AKG, inuna yung bata. Kinuha yung bata, dinala sa ama, at ni-reconcile namin lahat.”

Makaraang masagip, nakumpirma ng mga awtoridad na ang bata ay pinutulan ng daliri sa kanang hinliliit nito, gaya ng nasa ipinadalang video ng mga dumukot dito. Kaagad ding itinakbo ang biktima sa ospital para sa gamutan.

Nilinaw din ni Remulla na ang ransom na US$20 million ay bumaba ng $1 million, ngunit sa katapusan, walang binayarang ransom ang pamilya ng biktima para sa kaso.

Dagdag nya, magpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon at operasyon ng mga awtoridad para sa pagtugis at pagpapanagot sa nasa likod ng kaso.

DILG, PNP: KIDNAPPING, MAY KINALAMAN SA POGO

“Ito ay resulta ng POGO. We suspect na ang biktima ay galing sa pamilya na nag-o-operate ng POGO dati. We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO din,” pagbubunyag ni Remulla.

Ito aniya ang tinitingnan ngayong anggulo ng mga awtoridad sa maaaring rason ng naging kidnapping.

Ani Remulla, hindi paghihiganti ang nasa likod ng kidnapping, kundi usapin lamang ng pera, at inooperate ng isang crime syndicate.

Ayon kay PNP Anti-Kidnapping Group Director Col. Elmer Ragay, naniniwala aniya ang mga awtoridad na ang sindikatong grupong tinutukoy na nasa likod ng naturang kidnapping ay dati nang sangkot sa mga similar na aktibidad, na target ang mga foreigner, partikular na ang mga Chinese nationals.

“Ang tinitingnan po natin dito is a former group na nainvolve na sa previous kidnapping incidents led by Chinese. Withhold na lang po muna natin yung pangalan, pero may mga nahuli na tayong tao nya in the past, particularly in 2003. May mga nakuha na po tayo, but there are those that are still at large. At may mga kasama po silang Pilipino,” paliwanag ni Ragay.

Naniniwala rin umano ang mga awtoridad na nasa Pilipinas pa rin ang sindikatong grupo na ito, kung kaya’t puspusan ang kanilang magiging pagtugis sa mga sangkot dito hanggang sa tuluyang masawata ang grupo.

Share this