Davao City, Philippines — Isang araw matapos ang Halalan 2025, ilang lokalidad na rin ang may maidedeklara ng panalo mula sa eleksyon.
Ang Davao City, nananatili pa ring balwarte ng mga Duterte, lalo na ngayong inaasahan na ang landslide win para sa dating pangulo at ngayo’y nagbabalik bilang alkalde ng lungsod na si Rodrigo Duterte.
Batay sa partial and unofficial results ng naging botohan hanggang nitong Martes ng hapon, liyamado pa rin si Duterte sa laban matapos ang higit kalahating milyong lamang mula sa nasa ikalawang pwesto sa listahan.
Bukod kay Duterte, mayroon pang apat na mga kumakandidato sa pagka-alkalde ng lungsod, kabilang na si dating Civil Service Commission Chairperson Karlo Nograles, na pumapangalawa kay Duterte.
Ang landslide win na ito ni Duterte, tila hindi na kwestiyonable, lalo pa at ang Davao City ay pinamumunuan na ng pamilya sa loob ng tatlong dekada.
Sa kabila nito, wala pa ring tiyak na kasiguraduhan sa ngayon kung mahahawakan ba ni Duterte ang posisyon at kapangyarihan sa Davao City, lalo na ngayon na nanatili pa rin syang nakapiit sa The Hague, sa Netherlands—10,000 kilometro ang layo mula sa Pilipinas.
Matatandaan na noong ika-11 ng Marso, inaresto si Duterte sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga nasawi kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
Makaraang maaresto, ipiniit si Duterte sa ICC Detention Facility sa The Hague, kung saan nya na rin ipinagdiwang ang ika-80 kaarawan habang hinihintay ang confirmation trial sa Setyembre.
Sa kabila ng kaso at detensyon, nauna nang nilinaw ng Commission on Elections na wala pa itong direktang epekto sa kandidatura ni Duterte.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, mananatili pa ring lehitimo ang kandidatura ng isang kandidatong may kaso hangga’t hindi pa sya nacconvict.
At sa kanyang pagkapanalo ngayong halalan, kinumprima ng COMELEC na wala pang kahit anong utos para suspendihina ng proklamasyon ni Duterte kahit pa hindi nito personal na mauupuan ang pwesto dahil sa detensyon.
Bago nito, inanunsyo na rin ni Vice President Sara Duterte na pinaguusapan na rin ng kanilang kampo kung paano maaaring sumumpa ng kanyang oath si Duterte kahit na wala ito sa Pilipinas.
Samantala, panalo rin sa eleksyon ang kanyang katambal, ang bunsong anak na si Sebastian Duterte na bumaba sa pagka-alkalde ngayong halalan.
Inaasahan na sa ngalan ng kanyang ama, posibleng si Baste ang tumayong acting mayor ng Davao City.