Antipolo City, Philippines – Isa sa mga paaralan sa San Luis ang Peace Village Elementary School ang nahaharap pa rin sa kakulangan sa silid-aralan dahilan para ilipat ang klase ng mga grade-2 at grade-5 students sa kalapit na covered court.
Gawa ang makeshift classroom sa mga plywood at kahoy para mapanatili ang pagiging pribado ng bawat klase.
Ayon kay Peace Village Elementary School Principal IV Dr. Mercedita E. Fortunado, bunsod ito ng demolisyon at konstrukyon ng mga lumang classroom.
Giit niya, tiniyak nila na kahit nasa makeshift classroom ang bata ay kumpleto pa rin ito sa gamit- mayroong pisara, telebisyon, mga bagong upuan, at bentilador para mabawasan ang init ng panahon.
Batay sa datos ng pamunuan, labing dalawang section na mga grade-2 student ang naghahati-hati sa apat na makeshift classroom sa covered court.
Habang siyam na section ang naghahati-hati sa tatlong makeshift classroom sa Ynares covered court ng Barangay San Luis.
Para mapagkasya ang bawat section sa tig-iisang classroom, nagdesisyon ang punong guro ng paaralan na magkaroon ng tatlong shift sa bawat baitang.
Ayon kay Dr. Fortunado, buwan ng Enero nang magsimula ang demolisyon ng dalawang building, dahil sa posibleng banta ng lindol o iba pang kalamidad na maaari rin maging banta sa kaligtasan ng mga bata.
Base sa impormasyon ng paaralan, posibleng tumagal ang pagtatayo ng dalawang building ng pitong buwan.
Ibig sabihin, posibleng abutin ito ng isang buong taunang aralan bago matapos at makabalik sa normal na klase ang mga bata.
Sa tulong aniya ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City, Barangay San Luis, at school division, nagkaroon ng maituturing na maayos at pansamantalang silid-aralan ang mga estudyante.
Samantala, nagreact ang ACT-teacher’s partylist sa patuloy na pagsandig ng administrasyong Marcos sa mga band aid solutions.
Giit ni ACT-teacher’s Rep. France Castro, kasama si Act-teacher’s representative-elect Antonio Tinio, mababa ang functional literacy dahil sa mga basic at glaring shortages ng ating education system—na pinipili ng administrasyon na hindi pagtuunan ng pansin.
“Mababa ang functional literacy sa bansa dahil sa mga basic at glaring shortages ng ating education system,” hayag ni Castro.
Batay sa inilabas na datos ng partylist, tinatayang nasa 165 thousand ang kulang na classroom, at 56,050 na mga guro ang kinakailangan na dapat mabigyang solusyon sa lalong madaling panahon.
Hindi rin aniya sapat ang kinikita ng mga guro para magkaroon ng disenteng pamumuhay, “this school year, we are facing a shortage of 165,000 classrooms and 56,050 teachers, yet the government refuses to address these urgent gaps. Our teachers’ salaries are not even enough for a decent living, and they are forced to handle at least 27.6 million enrollees this year.”
Samantala, binigyang diin ni Tinio na kailangan ng komprehensibong reporma at pamumuhunan sa sektor ng edukasyon, at hindi ang mga pansamantalang solusyon na nakakapagpababa sa kalidad ng edukasyon.
Nanawagan ang dalawang mambabatas sa administrasyon na gawing tunay na prayoridad ang edukasyon lalo na ang mga reporma na makakasagot sa ugat ng problema sa silid-aralan, kakulangan sa guro at nakabubuhay na sweldo.
“If the government is serious about uplifting the future of our youth, it must address the root causes: build more classrooms, hire more teachers, and ensure living wages for education workers. Anything less is a betrayal of our children’s right to quality education,” saad ni Castro.