ALEX EALA, BIGO SA SEMIFINALS NG WTA CANBERRA INTERNATIONAL

Natapos ang kampanya ni Alex Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) Canberra International matapos siyang matalo sa semifinals laban kay Wei Sijia ng China, 5-7, 2-6, nitong Biyernes (January 3) sa Australia.

Lumaban nang husto ang Pinay rising star sa unang set at nakalamang pa ng 5-4, ngunit bumawi naman ang pambato ng China sa huling tatlong laro para kunin ang set. 

Sa ikalawang set, mabilis na nagpakita ng pwersa si Wei, na agad na umabot sa 5-0 ang lamang. 

Sinubukan pang bumawi ni Eala ngunit hindi na mapigilan ang Chinese player na masungkit ang panalo at tiket sa finals.

Kahit nabigo, ipinakita ni Eala ang husay sa kanyang kampanya sa torneo.  Mula sa qualifiers, pinataob niya ang mga kalaban gaya nina Sinja Kraus ng Austria, Arianne Hartono ng Netherlands, at Talyah Preston ng Australia para makarating sa semifinals.

Sa pagtapos ng Canberra, sisimulan naman ni Eala ang kanyang kampanya para makapasok sa Australian Open qualifiers na magsisimula sa January 6.

Share this