CHINESE RESEARCH VESSEL, NAMATAAN SA BAJO DE MASINLOC

Bajo De Masinloc, Philippines — Isang Chinese scientific research vessel ang namataan ng Philippine Coast Guard o PCG sa Bajo de Masinloc, ilang araw lamang mataPOs umalis ang kontrobersyal na floating platform doon.;

Kinilala ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang barko bilang “Tong Ji,” ang aniya’y kauna-unahang intelligent ocean-class comprehensive scientific research vessel ng China na ginagamit.

Ayon kay Tarriela, ito ang unang pagkakataon na naitala ng PCG ang presensya ng naturang barko sa Bajo de Masinloc.

Bukod dito, namataan din sa lugar ang isang Chinese research support vessel, dalawang barko ng China Coast Guard, at tatlong Chinese maritime militia vessels na nagpapatrolya sa labas ng shoal.

Lumalabas din sa mga report na nananatili pa rin ang ilang Chinese sampans o maliliit na bangkang pangisda, mga service boat, mga buoy, at isang communications antenna na nauna nang naiulat ng mga awtoridad.

Patuloy namang mino-monitor ng Philippine Coast Guard ang sitwasyon sa Bajo de Masinloc bilang bahagi ng pagpapatibay ng presensya ng bansa at pagbabantay sa mga aktibidad sa West Philippine Sea.

Share this