Manila, Philippines — Senador Alan Peter Cayetano bumuwelta sa mga bumabatikos sa kaniya dahil sa pagla-livestream sa Facebook lalo na noong siya pa ang Senate President.
Sa kanyang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na nakapagtataka umanong siya lamang ang pinupuna gayong marami rin sa kanyang mga kasamahang Senador ang aktibong gumagamit din ng social media.
Partikular niyang binanggit sina Senador Ping Lacson at magkapatid na Senador Raffy at Erwin Tulfo, na aniya’y gumagamit din ng Facebook at iba pang online platforms upang magbahagi ng kanilang mga aktibidad at pahayag.
Ayon kay Cayetano, tila naaabala lamang ang ilan sa kanyang mga livestream dahil sa dami ng nanonood at sumusubaybay dito.
Aniya, patuloy siyang nakakatanggap ng mataas na bilang ng viewers dahil nais niyang maiparating ang kanyang panig at ang aniya’y katotohanan sa publiko.
Kasabay nito, inakusahan din niya sina Lacson at ang magkapatid na Tulfo na umano’y gumagawa ng intriga
Ang pahayag ay tugon din sa naunang sinabi ni Lacson na nasayang ang humigit-kumulang pitong daang milyong piso sa loob ng dalawampu’t walong araw na panunungkulan ni Cayetano bilang Senate President.