Manila, Philippines — Tinalakay ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Philippine Commission on Women (PCW) ang Safer Cities Initiative na inilunsad noong Abril 06, na naglalayong palakasin ang peace and order at gawing mas ligtas ang mga komunidad sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na lokal na ordinansa at batas.
Ayon kay Assistant Secretary for Legal and Legislative Affairs Atty. Brian Mey R. Tomas, ang Safer Cities Initiative ay isang call to action ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa lahat ng local government units (LGUs).
Hinikayat nito ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa public intoxication, disruptive at excessive noise, curfew para sa mga menor de edad, at public indecency tulad ng pagiging shirtless sa mga pampublikong lugar.
“Ang Safer Cities Initiative ay isang programa na inilunsad ni Secretary Jonvic Remulla bilang call to action dahil nakita natin na ang ligtas na komunidad ay ito ang pinanggagalingan ng mas mabuting pamumuhay sa ating mga community. Isang call to action sa ating mga Local Government Units, ang ating panawagan sa ating LGU’s ay kanilang paigtingin ang kanilang pag inforce sa kanilang local ordinances patungkol sa peace and order,” ani Tomas.
Bilang resulta ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa, iniulat ng PNP na tumaas ng 20% ang bilang ng apprehensions, arrests, at warnings. Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, pinakamalaki ang itinaas sa mga nahuling lumabag sa ordinansa laban sa pagsusuot ng balaclava sa mga lugar na may umiiral na pagbabawal, na umabot sa 832%.
Sumunod ang 80%pagtaas laban sa excessive noise at 20% pagtaas sa pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa illegal structures na nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko at iba pang paglabag sa kaayusan.
Kasabay nito, bumaba ng 21% ang focus crimes mula June 2025 hanggang June 2026.
Ayon kay Co, ipinakikita ng datos na may kaugnayan ang mas pinaigting na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa pagbaba ng kriminalidad.
Para sa DILG, hindi lamang pagbaba ng crime statistics ang sukatan ng tagumpay ng programa. Ipinaliwanag ni Tomas na layunin ng Safer Cities Initiative na maramdaman mismo ng mga mamamayan ang kaligtasan sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Aniya, kung mababawasan ang mga paglabag tulad ng excessive noise, curfew violations at public indecency, mas magiging maayos at payapa ang pamumuhay ng mga tao sa kanilang mga komunidad.
“Ang gusto nating makuha ay maramdaman ng mga tao na paglabas nila ng bahay ay ligtas sila,” aniya.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng PCW na mahalagang bahagi ng Safer Cities Initiative ang epektibong pagpapatupad ng Safe Spaces Act o Republic Act No. 11313. Ayon kay GAD Specialist II Patricia Beatriz R. Azanza, layunin ng batas na tiyaking ligtas ang mga pampublikong lugar sa pamamagitan ng paglalagay ng CCTV, aktibong partisipasyon ng mga barangay at LGU, at pagpapalakas ng mga mekanismo sa pagrereport ng sexual harassment.
Ipinaliwanag din ni Azanza na maaaring magsumbong ang mga biktima ng sexual harassment sa mga barangay, tanod, paaralan, opisina at iba pang kinauukulang tanggapan. Aniya, saklaw ng batas ang mga insidente sa pampublikong lugar, online platforms, lugar ng trabaho at mga institusyong pang-edukasyon.
Samantala, sinabi ni Tomas na responsibilidad ng DILG na tiyaking sumusunod ang mga LGU sa mga probisyon ng Safe Spaces Act.
Kabilang dito ang pagtatatag ng mga hotline, help desk, CCTV, anti-sexual harassment officers at iba pang mekanismo upang mapabilis ang pagtugon sa mga reklamo at masiguro ang proteksyon ng mga biktima.
Bukod dito, ibinahagi ni Azanza na nagsagawa ang PCW noong Hunyo 29 ng Safe Spaces Act orientation para sa mga security personnel ng isang shopping mall upang higit nilang maunawaan ang tamang paghawak sa mga reklamo ng sexual harassment.
Dagdag pa niya, patuloy ding nagsasagawa ang komisyon ng gender sensitivity trainings at information campaigns sa iba’t ibang sektor upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa batas.
Ayon naman sa PNP, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga LGU at barangay upang mapalakas ang information dissemination tungkol sa Safer Cities Initiative at Safe Spaces Act. Sinabi ni Co na mahalagang maunawaan ng publiko na ang mga gawaing itinuturing na “normal,” gaya ng catcalling, ay paglabag na sa ilalim ng umiiral na batas.
Sa usapin ng peace and order, iniulat din ng PNP na bumaba ng 30.43 porsyento ang naitalang focus crime mula Hunyo 2025 hanggang Hunyo 2026. Ayon kay Co, kabilang sa may pinakamalaking ibinaba ang mga kaso ng carnapping, rape at physical injury.
Bagama’t aminado siyang hindi ganap na mawawala ang krimen, sinabi niyang layunin ng kanilang hanay na patuloy itong mabawasan upang maramdaman ng publiko ang mas ligtas na kapaligiran.
Sa pagtatapos ng talakayan, tiniyak ng DILG, PNPl, at PCW ang patuloy na koordinasyon ng kanilang mga ahensya upang higit pang mapaigting ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiative at Safe Spaces Act.
Hinikayat din nila ang publiko na makiisa sa mga programa ng pamahalaan, sumunod sa mga umiiral na ordinansa, at huwag mag-atubiling magsumbong sa mga barangay, VAWC Desk at iba pang awtoridad upang mapanatili ang ligtas at maayos na pamayanan.—Graciella Diez, Contributor