Ligtas ng nakauwi ang unang batch ng repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Middle East nitong Martes ng gabi.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sakay ng Qatar Airways Flight QR 934 ang 31 OFWs—kabilang sila sa mga bansang galing sa Israel, Jordan, Palestine, at Qatar.
Ani Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac, naantala ng ilang oras ang biyahe ng mga repatriates dahil sa pagsasara ng airspace ng Qatar bunsod ng missile strike ng Iran sa US run-al Udeid air base sa Doha. Bunsod ito ng pagsagot ng Iran sa kamakailang pagpapasabog ng Amerika sa tatlo nitong nuclear sites noong Sabado, June 21 (UST).
Samantala, bawat repatriate ay makakakuha ng Php 150,000 mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), gayundin ang pansamantalang matutuluyan at transportasyon pauwi sa kani-kanilang probinsya.
Nagpaabot din ng medical service ang Department of Health (DOH) para sa mga nangangailangan, kabilang dito ang isang cancer patient at isang buntis na OFW.
Ayon pa rin sa DMW, sa pamamagitan ng National Reintegration Center, handa rin silang tumulong sa mga repatriates sa pagnenegosyo o paghahanap ng trabaho sa bansa.
Patuloy na nananawagan ang ahensya sa iba pang OFWs na nais umuwi na huwag mag-atubili na makipag-ugnayan sa embahada para sa ligtas na repatriation. | via Carla Ronquillo, Contributor