Manila, Philippines — Opisyal nang idineklara ng House of Representatives, sa ilalim ng mosyon ni Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, na bakantehin na ang chairmanship position ng Committee on Appropriations.
Kasunod ito ng naging pagbibitiw ng chairperson nito na si Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, matapos ang tatlong taong panunugkulan sa pwesto.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Co na ang kanyang desisyon na bumaba sa pwesto ay may kaugnayan sa lagay ng kanyang kalusugan.
Aniya, malaki ang hinihingi sa kanya ng kanyang tungkulin at nakaapekto na rin sa kanyang kalusugan, at ngayon ay kailangan nya na ng medikal na atensyon.
“I extend my heartfelt gratitude to the majority in Congress for graciously accepting my decision to step down as Chairman of the House Committee on Appropriations. This decision, made with a heavy heart, is driven by pressing health concerns. The highly demanding nature of my role has taken its toll, and I now need to prioritize seeking the medical attention necessary for my well-being,” saad ni Co.
Sa kanyang pagbibitiw, nagpasalamat si Co sa tiwalang ibinigay sa kanya ng Kongreso para sa naturang tungkulin, partikular na ang pagdating sa pambansang pondo ng Pilipinas.
Binalikan din ni Co ang kanyang mga naging kontribusyon bilang tagapangulo ng komite, partikular na ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), pagsponsor sa budget mula noong 2023, at pagsusulong ng pondo para sa iba pang sektor.
Kaugnay nito, itinalaga na si Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo bilang acting chairperson ng House Committee on Appropriations habang wala pang napapangalanang bagong taga-pangulo ang komite.