Manila, Philippines — Hiniling ng Prosecution sa International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensiya ang naunang naitalang testimonya ng isang witness sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa dokumentong may petsang Setyembre 7, humingi ng pahintulot ang Prosecution sa Chamber na isama bilang ebidensiya ang naunang testimonya ni Witness P-1100, alinsunod sa Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.
Hiniling din ng Prosecution na magsagawa ng limitadong supplementary examination sa witness sa oras na humarap ito sa korte.
Ayon sa Prosecution, makatutulong ang kanilang kahilingan upang mapabilis ang pag-usad ng paglilitis.
Sa halip na umabot sa pitong oras ang direct examination sa witness, maaari umano itong mabawasan sa dalawang oras.
Para sa Prosecution, may kaugnayan ang testimonya ng witness sa kanilang alegasyon hinggil sa umano’y polisiya na i-neutralize ang mga hinihinalang kriminal sa Pilipinas sa pamamagitan ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay.
Naglalaman din umano ang testimonya ng impormasyon kaugnay sa sinasabing modus operandi ng Davao Death Squad o DDS.
Ayon pa sa Prosecution, maaari rin itong magsilbing ebidensiya kaugnay sa umano’y individual criminal responsibility ni dating Pangulong Duterte, kabilang ang kanyang umano’y kaalaman at intensyon.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kaso sa Nobyembre 30, 2026.
Noong Abril, kinumpirma ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Duterte kaugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay naging Pangulo ng Pilipinas.–Krizza Lopez, Eurotv News