Manila, Philippines — Matagal nang pinag-uusapan sa bansa ang pananaw ng mga Pilipino sa kalakaran ng hustisya sa ating bansa.
Marami ang nagsasabing para lamang sa mga nakatataas at mayayaman ang hustisya, hindi para sa mga maralita.
Nitong Sabado, muling uminit ang diskusyong ito nang pumunta si Vice President Sara Duterte sa Quezon City regional trial court upang makapagpiyansa kaugnay ng arrest warrant sa tatlong counts ng grave threats.
Dito sinabi ng Vice President na nag-aalala siya para sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang pamilya.
Iginiit din niya na wala siyang tiwala sa kapulisan at sa justice system ng bansa.
Nakikita naman dito ang tila kontradiksyon ng kampo ng mga Duterte sa posisyon na dapat humarap sa proceedings sa Pilipinas si dating Presidente Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa International Criminal Court.
Anila, dapat litisin ang dating Pangulo dahil gumagana naman daw ang justice system ng bansa at hindi ng isang international tribunal na wala naman na umanong hurisdiksyon.
Para sa Palasyo sa isang press briefing ngayong Lunes, tila nalilito si Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa magkasalungat na pananaw na ito.
Ngunit, kung alanganin daw ito sa interes ng mga Duterte, ang kawalan ng tiwala sa justice system ang kanilang masasabi.
Samantala ngayong araw din, tiniyak naman ni VP Duterte na ang tiwala niya ay nakatuon lamang sa taumbayan.
Binatikos din niya ang administrasyong Marcos sa kasalukuyang mga kaganapan.