Manila, Philippines — Matapos humingi ng tulong ang Senate Impeachment Court sa mga amici curiae o “friends of the court” kaugnay sa interpretasyon ng two-thirds voting threshold para sa conviction, patuloy na dumidistansya ang Malacañang sa usapin ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Apat na dating mahistrado ang nagbigay ng kanilang legal na interpretasyonsa kaugnay na probisyon ng Konstitusyon.
Pahayag ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi makikialam ang Palasyo sa mga magiging desisyon ng Impeachment Court tungkol sa voting threshold.
Sinabi rin ni Castro na mahalagang pakinggan ang naging interpretasyon ng mga dating mahistrado, na nagbigay lamang umano ng paglilinaw sa kung ano ang nakasaad sa Konstitusyon.
Aniya, naging maayos ang naging talakayan sa Senate Impeachment Court kaugnay sa voting threshold.
Giit niya, nakatulong umano ang talakayan upang magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa ang mga mambabatas at mga Pilipinong sumusubaybay sa paglilitis.
Wala rin umanong pangamba ang Palasyo kung magkaroon ng magkakaibang interpretasyon ang mga senator-judge tungkol sa two-thirds voting threshold.
Dahil ang usapin ay nasa sariling responsibilidad umano ng mga mambabatas at hindi ng kasalukuyang administrasyon.
Noong Miyerkules, humarap bilang amici curiae sina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, gayundin si dating Associate Justice Adolfo Azcuna.
Samantala, nagpadala naman si dating Chief Justice Hilario Davide Jr. ng legal memorandum sa Impeachment Court.
Sa kanilang mga pahayag, iginiit ng mga dating mahistrado na nasa Senate Impeachment Court ang pagpapasya sa tamang interpretasyon ng two-thirds voting threshold at sa mga senador na dapat maging batayan sa pagkukuwenta nito.
Binigyang-diin din nila na maaaring makialam lamang ang Supreme Court kung magkaroon ng grave abuse of discretion sa proseso ng impeachment trial.
Gayunman, ang usapin sa voting threshold ay nananatiling nasa kamay ng Senate Impeachment Court habang nagpapatuloy ang paglilitis.–Krizza Lopez, Eurotv News