MANIBELA, TAUHAN NG LTFRB, NAGKAROON NG BAHAGYANG TENSYON SA UNANG ARAW NG TIGIL-PASADA

Manila, Philippines — Sinugod at kinompronta ni Manibela Chairperson Mar Valbuena ang mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtungo sa protest site para umano kuhanan ng litrato ang mga plaka ng mga jeep na sasali sa tigil-pasada.

Naglunsad ng tatlong araw na tigil-pasada at kilos-protesta ang Manibela para ipanawagan ang pagbaba ng presyo ng langis, pagtanggal ng VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo, at agarang pagpapatupad ng dagdag-pasahe.

Alas-sais ng umaga nang magsimulang magtipon ang mga miyembro ng Manibela at ilang motorcycle taxi driver sa UP Avenue para sa tatlong araw na tigil-pasada.

Dahil sa bahagyang tensyon, minabuti ni LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua na personal na puntahan ang grupo ng Manibela upang linawin ang pagpapadala ng kanilang mga tauhan sa Philcoa.

Giit ni Atty. Greg Pua, wala silang intensyong gipitin ang mga tsuper.

Tanging layunin umano ng kanilang mga tauhan na mag-ikot sa Metro Manila upang tukuyin ang mga lugar na posibleng maantala ang biyahe ng mga pasahero, nang sa gayon ay makapag-deploy ng libreng sakay.

Nilinaw niyang hindi nila nais mag-deploy ng libreng sakay sa mga lugar na mayroon pang mga jeep na bumibiyahe.

Iniiwasan din umano nilang mawalan pa ng kita ang mga tsuper.

Nilinaw din ni Pua ang isyu sa umano’y pag-iisyu ng show cause order sa mga driver at operator dahil sa kabiguang magbigay ng serbisyo sa publiko, na nakasaad sa kanilang prangkisa.

Ayon sa kanya, ang pag-iisyu ng show cause order ay hindi nangangahulugang kinasuhan na ang operator, kundi isang paraan lamang upang humingi ng paliwanag.

Kung sakaling makatanggap ng show cause order ang Manibela, sinabi ni Valbuena na haharapin nila ang patawag ng ahensya.

Handa rin umano silang harapin ang proseso at ilahad ang kanilang mga hinaing.

Sa ngalan din ni Transportation Secretary Giovanni Lopez, nagtungo si LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao upang tiyakin na walang huhulihing mga raliyista sa mobilisasyon ng Manibela.

Tiniyak din niyang hindi babawiin ang lisensya ng mga jeepney driver na lumahok sa kilos-protesta.

Dahil sa hiling ng ahensya na itigil na ang tigil-pasada, bunsod na rin ng aberyang idinudulot nito sa biyahe ng mga estudyante at empleyado, nagdesisyon ang Manibela na ihinto na ang kanilang tigil-pasada.

Gayunman, sinabi ng grupo na magpapatuloy ang kanilang kilos-protesta at panawagan para sa mas mababang presyo ng langis at dagdag-pasahe.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this