Sa kabila ng mga kinakaharap na alegasyon at gumugulong na impeachment trial, malaki pa rin ang suportang natatanggap ni Vice President Sara Duterte mula sa mga Pilipino, ayon sa isang pag-aaral.
Batay sa June 2026 Philippine Public Opinion Monitor Survey ng WR Numero, 55% ng mga Pilipino ang nasiyahan sa pamumuno ni Duterte bilang bise presidente.
11% ang nagsabing lubos na mahusay ang kanyang pagganap sa tungkulin, habang 44% ang inilarawan ito bilang mahusay.
Kung ikukumpara sa kanyang satisfaction rating noong Marso, tumaas ng 11% ang mga kumpyansa sa pamumuno ni Duterte sa ikalawang bahagi ng taon.
35% naman ang hindi nahusayan sa performance ni Duterte, habang 10% ang hindi sigurado.
Kita rin ang suporta ng mga Pilipino para kay Duterte sa gitna ng kanyang kinakaharap na impeachment trial.
Batay sa parehong pag-aaral, 54% ang hindi sang-ayon sa pag-impeach ng House of Representatives kay Duterte noong Mayo, na nagresulta sa kasalukuyang paglilitis sa Senado.
31% ang sang-ayon sa naging desisyon ng Kamara, 13% ang hindi sigurado, habang 2% ang kulang ang kaalaman sa isyu.
Sa kasalukuyan, nasa ika-19 na araw na ang impeachment trial laban kay Duterte sa Senado, kung saan nagpapatuloy ang pagtalakay sa alegasyon ng umano’y maanomalyang paggamit ng OVP at DepEd ng confidential at intelligence funds.
Kaugnay ng trial, 42% ng mga Pilipino ang nagsabing mahina ang mga ebidensyang inilatag ng prosekyusyon laban kay Duterte.
31% ang hindi sapat ang kaalaman patungkol dito, habang 27% lang ang nagsabing malakas ang ebidensya.