Iniulat ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba sa 20.3% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng kagutuman mula Marso hanggang Hunyo.
Mas mababa ito kumpara sa 23.2% na bahagdan ng mga pamilyang nakaranas na magutom at mawalan ng makakain noong Marso.
24% ng datos na ito ay mula sa Mindanao, na may pinakamataas na hunger experience noong Hunyo, mas mataas kumpara noong Marso.
Sinundan ito ng Visayas na may 22.3%, Metro Manila 21%, at 17.3% Balance Luzon na pare-parehong bumaba ang bilang sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa kabuuan, 4.5% ang nakaranas ng nakaranas ng Severe hunger o ang madalas o palagiang kawalan ng makakaiin.
15.8% naman ang nakaranas ng moderate hunger o ang mga minsang nakaranas ng pagkagutom.
Kinilala naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang resultang ito ng SWS survey na isinagawa mula June 20-29.
Ayon kay DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, ang resultang ito ay ipinapakita na nararamdaman ng mga Pilipino ang mga hakbang at programa ng pamahalaan laban sa kagutuman.
Partikular na rito ang Walang Gutom Program at Walang Gutom Kitchen na gumugulong at nararamdaman na sa buong bansa.
Sa hiwalay na SWS survey, lumalabas na bumaba rin ang food poverty sa mga Walang Gutom Program beneficiaries, mula 79% noong Marso sa 77.6% nitong Hunyo.
Ani Dumlao, patunay ito na malaking bagay para sa bawat Pilipino ang pagkakaroon ng regular na access sa masustansyang pagkain.
Dagdag nya, ang mga resultang ito ng SWS survey ay makatutulong din para sa mas pagpapabuti pa ng mga programa ng pamahalaan laban sa kagutuman.