Manila, Philippines – Nagsagawa ng pagpirma sa Memorandum of Agreement (MOA) nitong Biyernes (Hulyo 11, 2025) sa Clark International Airport Corporation (CIAC) Complex sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, at CIAC President Joseph Alcazar.
Kaugnay ito ng layuning pagpapatayo ng Regional Disaster Response Command Center (RDRCC) at Warehouse sa CIAC.
Nabanggit ni Secretary Rex Gatchalian na gusto ng ahensya na mas maging handa kung sakaling magkaroon ng biglaang sakuna, kaya naman importante na magkaroon ng backup na Regional Command Center at Warehouse na paglalagyan ng mga inihandang Family Food Packs (FFPs).
Layunin ng nasabing pasilidad na mas paigtingin pa ang mas mabilis na distribusyon ng mga ayuda lalo na sa mga kalapit na rehiyon, tulad ng Central Luzon at Northern Luzon.
MAHIGIT 20K NA FFPs BOXES, NAIPAHATID NA NG DSWD
Umabot naman sa 23,363 Family Food Packs, ang napamahagi ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ni Bagyong Bising na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kabilang na sa mga nabigyan ng ayuda ang lugar partikular na sa National Capital Region, Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan, upang matiyak, na naipaparating ang FFPs sa mga apektadong residente. —Charles Malate, Contributor