PANUKALANG 2027 BUDGET NG OP, LUSOT NA SA HOUSE COMMITTEE LEVEL MATAPOS GAWARAN NG PARLIAMENTARY COURTESY

Manila, Philippines — Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang pondo ng mga opisina at ahensya ng pamahalaan para sa taong 2027, mismong si Executive Secretary Ralph Recto ang nagrepresenta sa Office of the President (OP) sa budget deliberations nitong Martes, September 1.

Sa kabuuang P7.2 trillion na proposed budget sa ilalim ng 2027, National Expenditure Program (NEP), P10.156 billion ang hinihiling na pondo ng OP para sa pagpapatuloy ng mandato at mga programa ng administrasyon.

Ayon kay Recto, 64% na mas mababa ang panukalang pondong ito kumpara sa budget ng OP ngayong taon.

Paliwanag ni Recto, sapat ang pondong ito para magampanan ng OP ang tungkulin nito sa bayan, lalo na sa gitna ng geopolitical tensions, mga kalamidad, at iba pang mga emergencies.

Dagdag nya pa, layon ng panukalang pondo na suportahan ang operasyon ng Malacañang, maging ang mga presidential at official engagements ng Pangulo na parte ng pagpapatatag pa ang ugnayan ng Pilipinas sa iba pang mga bansa.

Siniguro rin ni Recto na mapupunta at magagamit ng tama ang bawat piso ng pondong ito, at na makakaasa ang mga Pilipino ng transparency at accountability mula sa OP.

Matapos ang ilang minutong presentasyon ni Recto para sa budget briefing ng OP, naghain ng mosyon si Minority Leader Marcelino Libanan na i-terminate na ang interpollations sa pondo ng OP at gawaran ang opisina ng parliamentary courtesy.

Naging tradisyon na sa House committee level hearing ang paggawad ng parliamentary courtesy sa budget deliberations ng mga pinakamataas na opisyal ng bansa.

Hindi naman sinang-ayunan ni ACT teachers Partylist Representative Antonio Tinio ang mosyong ito at iginiit na dapat nang mabasura ang tradisyong paggawad ng parliamentary courtesy sa budget deliberations.

Giit ni Tinio, kung nais na itaguyod ng Kongreso ang transparency at accountability sa gobyerno, ito rin dapat ang manguna sa pag-scrutinize ng pondo ng lahat ng ahensya ng pamahalaan nang walang exemption.

Dagdag ng mambabatas, dapat na maipaliwanag ng OP ang P4.55 billion na confidential at intelligence funds na hinihingi nito, kasabay ng hamonsa OP at kay Recto na i-waive ang courtesy at direktang sagutin ang mga katanungan ng Kongreso patungkol sa kanilang proposed budget.

Nilinaw naman ni Committee Senior Vice Chairperson Rep. Albert Garcia na maaari pa ring magtanong at iscutinize ng mga mambabatas ang pondo ng OP sa plenary session.

Sa botong 37 affirmative at 5 na negative, inaprubahan ng Komite ang mosyon at ginawaran ng institutional at inter-branch courtesy ang OP.

Terminated na rin ang interpollations nito sa committee-level ng budget deliberations.

Share this