DEFENSE ATTY. POA, SUMALANG WITNESS STAND NG IMPEACHMENT TRIAL NI VP DUTERTE

Manila, Philippines — Sa pagpapatuloy ng impeachment court sa pagbusisi ng article 1 kaugnay sa umano’y maling paggamit ng Confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Sumalang sa witness stand ang isa sa mga lead counsel ng defense team ni Vice President Duterte na si Atty. Michael Poa bilang hostile witness ng prosecution.

Bunsod nito, Nagdesisyon ang Senate Impeachment Court na payagan ang prosecution na magtanong kay Atty. Michael Poa gamit ang leading questions, matapos siyang ideklarang hostile witness.

Bago ito, sinabi ni prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr. na kabilang si Poa sa mga “pinaka-pinagkakatiwalaang tao” ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tolosa, si Poa mismo ang inatasan ng Bise Presidente na sumagot sa mga katanungan ng Commission on Audit tungkol sa paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd.

Giit ng prosecution, ito ay sa kabila ng naging pahayag ni Poa sa isang House committee na wala siyang alam kung paano ginastos ang naturang pondo.

Samantala, umalma ang defense lead counsel na si Atty. Sheila Sison sa paggamit ng prosecution ng katagang “abogadong walang alam” para kay Poa.

Hiling ni Sison na alisin sa records ang naturang pahayag dahil aniya, hindi ito angkop gamitin laban sa isang kapwa abogado at witness sa impeachment trial.

Iginiit din ni Sison na may karapatan si Poa na maprotektahan laban sa mga tanong na irrelevant, improper, o insulting, gayundin sa anumang mapanlait na asal.

Ipinaliwanag naman ni Tolosa na ang kaniyang pahayag ay tumutukoy sa naging testimonya ni Poa sa Kamara na wala siyang alam sa paggamit at liquidation ng confidential funds.

Gayunman, nagpaabot ng paumanhin si Tolosa kay Poa at sinabing hindi niya intensyong makasakit o makainsulto.–Krizza Lopez, Eurotv News

Share this